IPINATAW ng Land Transportation Office (LTO) ang 90-araw na preventive suspension sa lisensiya sa pagmamaneho ni BINI member Mikha matapos kumalat ang video na umano’y nagpapakita sa kanya na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Ayon sa LTO, agad na ipinag-utos ni LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang kaukulang aksiyon matapos matanggap ang nasabing video.
Makikita sa footage na umano’y kinukunan ng personalidad ang kanyang sarili habang nagmamaneho ng sasakyan.
Nang mahulog ang cellphone, makikita umanong yumuko siya upang pulutin ito sa ilalim ng sasakyan sa halip na huminto muna sa ligtas na lugar.
Ipinakita rin sa video na hawak niya ang cellphone gamit ang dalawang kamay habang umaandar ang sasakyan.
Dahil dito, naglabas ang LTO ng Show Cause Order laban sa singer at pinadadalo siya sa LTO Central Office sa Quezon City sa Nobyembre 20 upang magsumite ng sinumpaang paliwanag kaugnay ng posibleng paglabag sa Anti-Distracted Driving Act, reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle.
Bilang paunang hakbang habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inatasan din siyang isuko ang kanyang driver’s license sa LTO.
Binigyang-diin ni Lacanilao na walang pinipili ang pagpapatupad ng batas-trapiko, anuman ang kasikatan o estado sa buhay ng isang motorista.
