KINALAMPAG ni Senador Win Gatchalian ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na gumawa ng paraan para tuluyan nang putulin ang koneksyon ng mga electronic wallet o e-wallet mula sa mga online gambling platform upang mapigilan na ang lumalalang pagkakalulong sa sugal ng marami. Hinimok din niya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na agad ipasara ang mga operator na lalabag sa regulasyon.
“Hindi na dapat iniimbestigahan, ipasara na agad,” giit ni Gatchalian sa nakaraang pagdinig ng Senado, kasabay ng babala na nakakalusot pa rin ang maraming operator sa kabila ng umiiral na mga patakaran o regulasyon ng ahensya.
“Huwag nang i-mandato ang lahat ng e-wallet providers at mga bangko na i-screen kung legal o ilegal ang mga online gambling platform dahil hindi rin naman nila gagawin ‘yon,” ang sinabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng BSP. Aniya, kahit mga ilegal na gambling site ay maaari pa ring magkonek sa mga bangko at e-wallets.
Sa parehong pagdinig, ibinunyag ni Gatchalian ang nakakabahalang datos na nagpapakita na ang bilang ng mga Pilipinong nag-o-online gambling ay umakyat na sa 32.117 milyon nitong Mayo ng taon, mula asa 8.208 milyon noong katapusan ng 2024. Halos kalahati ito ng adult population ng bansa.
“Dahan-dahan nang kinakain ng pagsusugal ang bansa natin,” pagtatapos ni Gatchalian.
