MAGPAPALABAS ng subpoena para sa pagdalo ng public hearing hinggil sa mga iregularidad sa flood control projects sa buong bansa kabilang ang limang contractor at tatlong executive ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa darating na September 8.
Inaprubahan ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang rekomendasyon ni Senador Rodante Marcoleta, tagapangulo ng Senate Blue Ribbon Committee, nilagdaan ng hepe ng Senado ang subpoenas ad testificandum .
Kabilang dito sina Darcy Kimel D.J. Respicio, general manager ng Darcy & Anna Builders and Trading; Sally N. Santos, ang may-ari/manager ng SYMS Construction Trading; Pacifico F. Discaya II, authorized managing officer ng Alpha at Omega Gen. Contractor & Development Corporation; Maritoni P. Melegrito, authorized managing officer ng Elite General Contractor and Development Corporation; Edgardo Saggum, may-ari/manager ng Eddmari Construction and Trading; Engr. Jaypee D. Mendoza, former Bulacan 1st District Engineering Office ng DPWH construction division; Engr. Brice Ericson D. Hernandez, dating assistant district engineer, Bulacan 1st District Engineering Office, DPWH at Engr. Juanito C. Mendoza, accountant III, Bulacan 1st District Engineering Office, DPWH.
Inaprubahan din ng Senate Chief ang subpoena duces tecum na naka-address kay Commission on Audit Chairman Gamaliel Cordoba para sa pagsusumite ng fraud audit highlights ng ahensya sa pagsusuri nito sa mga flood control projects ng DPWH at isang kopya ng mga tugon ng mga respondent sa mga natuklasan.
Matatandaang sinimulan ng Blue Ribbon Committee nitong Lunes ang imbestigasyon ng iba’t ibang flood control projects o sub-standard na naging sanhi ng malawakang pagbaha ng maraming lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan, partikular sa Bulacan.
