NAG-ISYU ng Show Cause Order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa rehistradong may-ari ng Toyota Land Cruiser at sa driver nito kaugnay ng viral video ng road rage na kumakalat sa social media.
Makikita sa video ang nasabing land cruiser na may sakay na grupo ng mga kalalakihaan ay sadyang hinarangan ang daanan ng isang motorista sa pampublikong kalsada na nagdulot ng panganib at abala sa iba pang motorista.
Bilang hakbang, agad na inaatasan ang driver na isuko agad ang kanyang lisensya at ilalagay ito sa 90 araw na preventive suspension habang ang sasakyan nito ay inilagay sa ilalim ng alarm status habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Base sa SCO, inaatasan ang may-ari at driver na humarap sa Office of Intelligence and Investigation Division. Kinakailangan nilang magsumite ng pormal na paliwanag at mga dokumento upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga paratang na Reckless Driving, Obstruction of Traffic, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ang hindi pagharap o pagsumite ng paliwanag ay ituturing na pagsang-ayon na ituloy at tapusin ang proseso kahit wala sila, at ang desisyon ay ibabase sa mga ebidensyang hawak ng ahensya. Maaari silang kumuha ng abogado para sa kanilang depensa.
