INILUNSAD na ang Benteng Bigas, Meron na Rice Project sa Tanay Rizal katuwang ang Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), National Food Authority (NFA), Food Terminal Incorporated (FTI) at lokal na pamahalaan ng bayang ito.
Sa ilalim ng proyekto, mabibigyan ng prayoridad ang mga nasa bulnerableng sektor tulad ng senior citizen, solo parent, PWD, miyembro ng 4P’s, mga mga magsasaka, mangingisda, minimum wage earner, mga benepisyaryo ng Walang gutom program, public teachers at non- teaching staff, at mga transport group na mapagaan ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng abot-kayang halaga ng bigas.
Ayon kay OIC-Regional Technical Director, Engr. Romelo Reyes, ang inisyatibong ito ay hindi lamang ukol sa pagbebenta ng bigas kundi pagpapakita ng malasakit, pagkakaisa, at paninindigan na ang bawat pamilya ay nararapat na magkaroon ng pagkakataon na makabili ng de-kalidad at abot-kayang pagkain.
Layon ng aktibidad na matulungan ang 1,000 benepisyaryo sa Tanay, Rizal habang pinahintulutan naman ang bawat residente na makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas bawat araw, na may kabuuang limitasyon na 30 kilo. Bukod dito, namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng libreng gulay sa mga mamimili bilang karagdagang suporta.
Samantala, inaabisuhan naman ang mga benepisyaryo ng proyekto na magdala lamang ng Valid ID na nagpapatunay na sila ay kabilang sa naturang sektor upang makapagrehistro sa naturang programa.
