ARESTADO ang tatlong hinihinalang sangkot sa bentahan ng mga pekeng mamahaling relo sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Angeles City, Pampanga.
Kinilala ni CIDG Regional Field Unit 3 chief Col. Grant Gollod ang mga naaresto na sina alias “Ellie,” 25; alias “Eson,” 49; at alias “Obie,” 41.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng dating party-list representative na si Jorge Antonio Bustos matapos niyang matuklasang peke ang Patek Philippe na isinangla umano sa kanya ni Ellie kapalit ng P1.5 milyon. Nang alukin pa siya ng dalawang Rolex at isa pang Patek Philippe, humingi na siya ng tulong sa CIDG.
Sa entrapment operation, inaresto si Ellie matapos tanggapin ang bayad sa mga relo. Nasamsam sa kanya ang mga hinihinalang pekeng Rolex at Patek Philippe, mga kahon, resibo, at dokumentong nagpapatunay na hindi authentic ang isa sa mga relo.
Sa pagtatanong, itinuro ni Ellie ang dalawa niyang kasabwat na sina Eson at Obie, na agad ding naaresto matapos niyang iabot sa mga ito ang perang nakuha sa bentahan.
Nakumpiska rin sa dalawang lalaki ang isang .45-caliber na baril, mga bala, isang hinihinalang pampasabog, at isang Mitsubishi Montero Sport.
Nahaharap ang tatlo sa kasong estafa, habang sasampahan din sina Eson at Obie ng karagdagang kaso dahil sa paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Explosives Law
