PINABALIK na ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese fugitives na matagal na umanong nagtatago sa Pilipinas upang takasan ang batas sa kanilang bansa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang mga na-deport na sina Takeuchi Kazuo, 57, at Nishiwaki Yutaka, 44. Isinakay ang mga ito sa magkahiwalay na Japan Airlines flights patungong Tokyo noong Hulyo 29.
Ayon kay Viado, hindi papayagan ng Pilipinas na maging kanlungan ng mga dayuhang kriminal ang bansa.
Nauna nang nadakip si Takeuchi noong Hulyo 2023 matapos matunton ng BI Fugitive Search Unit. Wanted siya sa Japan dahil sa kasong robbery na may pananakit at pagnanakaw.
Mas mabigat naman ang kaso ni Nishiwaki. Inaresto siya nitong Enero sa joint operation ng BI, Japanese National Police Agency at Philippine National Police.
Nagpanggap umano itong pulis upang malinlang ang mga matatandang biktima na isuko ang kanilang ATM cards at bank details, na ginamit sa ilegal na pag-withdraw ng pera.
Bukod dito, itinurong isa si Nishiwaki sa natitirang miyembro ng kilabot na Luffy syndicate, na umano’y nakakulimbat ng mahigit ¥1 bilyon sa panloloko, pagnanakaw at iba pang krimen habang nag-ooperate mula sa Pilipinas.
