ISINUSULONG ni House Ways and Means Committee Chair at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ang dalawang taong suspensyon sa pagpapatupad ng ilang probisyon ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) para maprotektahan ang mga taxpayer laban sa biglaang pagtaas ng buwis at iba pang singil ng gobyerno.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 10808, na co-authored nina South Cotabato 2nd District at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez at Quezon City 4th District Rep. Jesus “Bong” Suntay.
Sa ilalim ng panukala, pansamantalang ihihinto ang paggamit ng bago o updated na Schedule of Market Values (SMV) at general property assessments sa loob ng dalawang taon.
Mananatili muna ang kasalukuyang SMVs, zonal values at assessed values bilang basehan sa pambansa at lokal na buwis, fees, charges at iba pang government transactions.
Tiniyak din sa panukala na walang taxpayer ang papatawan ng mas mataas na buwis o singil dahil lamang sa bagong valuation habang umiiral ang dalawang taong suspension.
Ayon kay Quimbo, hindi nito binabasura ang RPVARA. Maaari pa ring ipagpatuloy ng gobyerno ang data gathering, konsultasyon at capacity-building habang sinusuri ang magiging epekto ng bagong valuation system.
“Hindi ito pagtanggi sa reporma. Ang mahalaga ay tama ang timing,” ani Quimbo.
Ipinaliwanag ng mambabatas na maaaring maging mabigat sa mga pamilya, property owners at negosyo ang biglaang pagpapatupad ng bagong valuation sa gitna ng kasalukuyang economic at natural disruptions.
Napag-usapan ang panukala sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto 6.
Bahagi ang HB 10808 ng mas malawak na tax reform agenda ng Kongreso na naglalayong palakasin ang kita ng gobyerno habang nagbibigay ng makabuluhang proteksiyon at tax relief sa mga Pilipino.
“Ang tax reform ay hindi lamang tungkol sa pagtaas ng kita ng gobyerno. Dapat ding tiyaking hindi nito bibigatan nang sobra ang ordinaryong Pilipino,” giit ni Quimbo.
