MARAMING pangunahing lansangan sa Metro Manila ang muling binaha nitong Lunes, Agosto 17, matapos ang tuloy-tuloy at malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Batay sa monitoring ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dakong alas-3:37 ng hapon, nakapagtala ng pagbaha sa ilang bahagi ng Maynila, Quezon City, Malabon, Taguig, Mandaluyong at Marikina.
Pinakamalalim ang baha sa ilang bahagi ng Quezon City, kung saan umabot sa 26 pulgada ang tubig sa A. Bonifacio Cloverleaf at Araneta Avenue. Dahil dito, hindi muna madaanan ng mga sasakyan ang ilang bahagi ng mga kalsada.
Sa Maynila, umabot naman sa 24 pulgada ang baha sa España Boulevard sa kanto ng M. Dela Fuente Street. Nasa 17 hanggang 19 pulgada ang lalim ng tubig sa ilang bahagi ng España Boulevard at Rizal Avenue.
Binaha rin ang Roxas Boulevard, Quirino Avenue, Quezon Boulevard at Abad Santos Avenue, bukod sa iba pang pangunahing ruta sa lungsod.
Sa Quezon City, kabilang sa binahang lugar ang Amoranto Avenue, Araneta Avenue, Quezon Avenue, EDSA White Plains, A. Bonifacio Cloverleaf at ilang bahagi ng Commonwealth Avenue.
Samantala, nasa 18 hanggang 19 pulgada ang baha sa Gov. Pascual Avenue sa Malabon, habang umabot sa kalahating tuhod ang tubig sa ilang bahagi ng F. Sevilla Boulevard, Barangay San Agustin at C. Arellano Street.
Nasa walong pulgada naman ang baha sa Chino Roces Avenue sa Taguig, EDSA-Ortigas Service Road southbound sa Mandaluyong at Marcos Highway sa ilalim ng SM Marikina.
May ilang lugar ding naunang binaha ang naiulat na humupa na ang tubig, kabilang ang ilang bahagi ng EDSA Kamuning, Quezon Avenue, East Avenue, Farmers at Main Avenue.
Patuloy na nakaantabay ang MMDA at iba pang awtoridad sa lagay ng mga kalsada habang nagpapatuloy ang epekto ng Habagat.
Paalala sa mga motorista: Iwasan ang mga rutang mataas ang baha at huwag piliting tawirin ang mga kalsadang idineklarang hindi passable.
