HINDI na sapat ang 5 araw na Service Incentive Leave (SIL) para sa mga manggagawang Pinoy, kaya isinusulong sa Kamara ang dagdag na limang araw na bayad na leave.
Sa House Bill No. 10753 ni 4Ps Party-list Rep. JC M. Abalos, gagawing 10 araw kada taon ang mandatory SIL ng mga kwalipikadong empleyado na kasalukuyang nasa limang araw lamang.
Layunin ng panukala na mabigyan ang mga manggagawa ng mas mahabang panahon para magpahinga, asikasuhin ang kalusugan at personal na pangangailangan, at makasama ang pamilya nang hindi kinakaltasan ng sahod.
Ayon kay Abalos, mahigit limang dekada nang hindi nagbabago ang minimum SIL sa Pilipinas.
Binanggit din niya na mas mataas ang statutory annual leave sa Singapore at Malaysia, dahilan upang igiit na panahon nang dagdagan ang leave entitlement ng mga Pilipinong manggagawa.
“Ang dagdag na limang araw ay hindi lamang dagdag na leave. Ito ay pagkilala sa dignidad ng ating mga manggagawa,” ani Abalos.
Giit ng mambabatas, partikular na makikinabang dito ang mga manggagawang malayo sa kanilang pamilya na nangangailangan ng dagdag na araw upang makauwi, makapagpahinga at matugunan ang mahahalagang pangangailangan.
