MANILA — Mula sa simpleng pagtatapon ng basura sa kalsada, maaari nang humantong sa paglilinis ng kanal ang mga litterbug kapag naisabatas ang bagong panukalang batas sa Kamara.
Inihain ni Navotas Rep. Toby Tiangco ang House Bill No. 10841 o Anti-Littering Community Service Act, na nag-aatas sa mga mahuhuling nagkakalat na magsagawa ng community service sa mga kanal, estero at iba pang waterways.
Sa ilalim ng panukala, walong oras o isang araw ang community service para sa unang paglabag. Tataas ito sa dalawang araw para sa second offense at tatlong araw para sa third at mga susunod pang paglabag.
Layunin ng panukala na gawing mas konkreto ang pananagutan ng mga lumalabag sa anti-littering rules at mapalakas ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Ayon kay Tiangco, hindi lamang ang litterbug ang sumasalo sa epekto ng maling pagtatapon ng basura. Kapag napuno at nabara ang mga kanal, buong komunidad ang maaaring malubog sa baha.
“Kapag bumabara ang kanal dahil sa basura, tayong lahat ang apektado—mga pamilyang binabaha, mga motorista, mga negosyo, at mga manggagawang kailangang maglinis,” ani Tiangco.
Binigyang-diin niya na mas madali ang magtago muna ng basura hanggang makahanap ng basurahan kaysa magtapon nito sa kanal at hayaang iba ang maglinis.
Napapanahon umano ang panukala matapos makalikom ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng tinatayang 750 metriko toneladang basura at debris mula sa isang daluyan ng tubig kasunod ng ilang araw na malakas na pag-ulan.
Bukod sa mga litterbug, maaari ring managot ang mga lokal na opisyal at empleyadong mapatunayang nagpabaya sa pagpapatupad ng anti-littering measure.
Sa unang paglabag, maaaring patawan ng 15 araw na suspension without pay ang concerned official o employee. Aabot naman sa 30 araw ang suspension sa second offense, habang dismissal sa serbisyo ang maaaring ipataw sa third at mga susunod na paglabag, alinsunod sa civil service rules.
Gayunman, iginiit sa panukala na dapat ligtas ang community service. Kailangang bigyan ang mga offender ng protective equipment, angkop na kagamitan, sanitation facilities at iba pang kinakailangang safety measures habang nagsasagawa ng paglilinis.
Ang mga hindi kayang magsagawa ng canal-cleaning work dahil sa kanilang kondisyon ay maaaring italaga sa ligtas na alternatibong gawain.
Para kay Tiangco, mahalagang maranasan ng mga lumalabag ang hirap ng paglilinis ng mga kanal upang higit nilang maunawaan ang epekto ng kanilang maling pagtatapon ng basura.
Sa pamamagitan umano ng aktuwal na community service, mas mapapalalim ang kanilang pananagutan sa pangangalaga sa kapaligiran at mas mauunawaan kung bakit maaaring maging malaking problema sa komunidad ang isang maliit na piraso ng basurang itinapon kung saan-saan.
Ang hindi tatapos sa ipinataw na community service ay maaaring humarap sa kaukulang proceedings at penalties sa ilalim ng Revised Penal Code at iba pang umiiral na batas.
Kung maisasabatas, ang DENR at DILG, katuwang ang iba pang national agencies at local governments, ang bubuo ng mga panuntunan para sa pagpapatupad ng programa.
