TINIYAK ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na aayusin at paiigtingin ang Unified 911 system matapos ang kontrobersyal na emergency response sa kaso ng 71-anyos na si Omar Askri na inatake sa stroke at kalaunan ay nasawi.
Patuloy ang imbestigasyon ng DILG upang matukoy kung saan nagkaroon ng aberya sa pagtugon at kung may mga tauhang dapat managot sa insidente.
Ayon kay DILG Undersecretary for Public Safety Jed Patrick E. Mabilog, hindi titigil ang ahensya hangga’t hindi nalalaman ang buong pangyayari at naipapatupad ang mga kinakailangang pagbabago.
Sa paunang pagsusuri, umabot umano sa 3 minuto at 23 segundo ang paghihintay bago masagot ang emergency call mula kay Basti Askri, pamangkin ng pasyente.
Makalipas ang 1 minuto at 25 segundo, nakapagpatupad ng three-way call sa pagitan ng caller, 911 call taker at Taguig Command Center (TCC).
Agad namang nangako ang TCC na magpapadala ng response vehicle. Ngunit nahirapan umano ang responding team na hanapin ang eksaktong lokasyon ni Askri at hindi na rin nakontak ang caller para sa karagdagang direksyon.
Sinabi ni Mabilog na bineberipika pa ang eksaktong oras ng pag-dispatch, mga pagtatangkang tumawag sa pamilya, biyahe ng response vehicle at oras ng aktuwal na pagdating nito.
Kapag napatunayang may kapabayaan o pagkukulang ang sinumang tauhan, sinabi ni Mabilog na haharap ito sa legal na aksyon.
“Kung may pagkukulang o kasalanan, definitely they will face legal action,” ani Mabilog.
Samantala, sinabi ng opisyal na kailangang patuloy na pagbutihin ang sistema kahit patuloy itong tumutugon sa libu-libong emergency calls kada araw.
Tinatayang 70,000 tawag kada araw ang hinahawakan ng Unified 911, dahilan para pag-aralan ng DILG ang pagdaragdag ng mga call taker upang mabawasan ang pila at mapabilis ang pagtugon.
Iginiit ng DILG na ang anumang kakulangan na matutukoy sa imbestigasyon ay gagawing batayan para palakasin ang koordinasyon, kapasidad at pananagutan ng emergency-response network.
“Every gap we identify will make Unified 911 stronger, faster, and better,” ani Mabilog.
