PAGADIAN CITY —NASAWI ang isang police intelligence officer at dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na bentahan ng baril matapos ang madugong buy-bust operation sa lungsod nitong madaling-araw ng Linggo, Agosto 23.
Kinilala ang nasawing pulis na si Police Maj. Aiman Khuzaimah Pantaran, 35, intelligence officer ng Pagadian City Police Station (PCPS) at residente ng Barangay Tiguma.
Dakong alas-12:15 ng madaling-araw nang pangunahan ni Pantaran ang operasyon sa Purok Malipayon, Barangay Dao, matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na pagbebenta at pag-iingat ng mga baril.
Sa gitna ng isinagawang transaksyon, nakahalata umano ang dalawang suspek na mga pulis ang kanilang kausap. Bigla umanong bumunot ng kanilang mga armas ang mga suspek at pinaputukan ang mga operatiba.
Tinamaan sa itaas na bahagi ng dibdib si Pantaran at agad na isinugod sa Mendero Medical Center (MMC).
Tinangka pa siyang maisalba ng mga doktor ngunit idineklara siyang dead on arrival ni attending physician Dr. Alfaro Danilo dakong alas-12:50 ng madaling-araw.
Samantala, kapwa nasawi ang dalawang suspek matapos gumanti ng putok ang mga operatiba sa kasagsagan ng engkuwentro.
Dinala sa isang funeral home sa lungsod ang mga labi ng dalawang suspek, habang iniuwi naman sa kanyang pamilya sa Barangay Tiguma ang labi ni Pantaran.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at iba pang indibidwal na posibleng nasa likod ng umano’y malawakang ilegal na kalakalan ng baril sa lalawigan.
