SUBIC, Zambales — Patuloy na tinututukan ni Zambales 1st District Representative at Deputy Speaker Jay Khonghun ang kalagayan ng mga residenteng naapektuhan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat sa kanyang distrito.
Personal na nagtungo ang kongresista sa ilang evacuation center sa Olongapo City upang kamustahin ang mga residenteng lumikas mula sa Barangays New Ilalim, New Kababae, Old Cabalan, Kalaklan at Sta. Rita.
Namahagi rin si Khonghun ng DSWD Family Food Packs sa mga evacuee bilang agarang ayuda habang nananatili ang mga ito sa evacuation centers.
Sa Subic, katuwang ng mambabatas ang lokal na pamahalaan sa pangunguna nina Mayor Jon Khonghun at Chief of Staff Janjo Khonghun, kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office at mga barangay officials.
Kabilang sa mga tinungo ng kongresista ang Barangay Calapacuan, kung saan maraming residente mula sa mga bahain at tabing-dagat na lugar ang kinailangang lumikas. Nakatanggap din ng food packs ang mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Calapacuan Elementary School at barangay covered court.
Pinasalamatan ni Khonghun ang mga barangay official, rescue personnel at health workers na patuloy na tumutulong sa mga residenteng naapektuhan ng sama ng panahon.
Sa Castillejos naman, pinuntahan din ng kongresista ang mga evacuation center at namahagi ng food boxes mula sa Department of Social Welfare and Development.
Samantala, kabilang sa pinakamatinding napinsala ang Barangay Sta. Fe sa San Marcelino matapos masira ang tulay na pangunahing daanan ng mga residente.
Ayon sa ulat, 12 taon nang ginagamit ang tulay bago ito napinsala nang tamaan ng malaking punong inanod ng malakas na agos ng ilog. Dahil dito, naging limitado ang pagpasok at paglabas ng mga residente sa lugar.
Muling nagtungo si Khonghun sa Sta. Fe upang mamahagi ng DSWD food packs katuwang ang DSWD Region III sa pangunguna ni Regional Director Venus Rebuldela at mga opisyal ng barangay sa pamumuno ni Kapitan Rico Diego Arquero.
Ininspeksyon din ng kongresista ang nasirang tulay at iba pang imprastraktura upang matukoy ang mga kinakailangang pagkukumpuni.
Tiniyak ni Khonghun na makikipagtulungan siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maisagawa agad ang pagpapagawa at muling maitayo ang tulay para maibalik ang maayos na access ng mga residente.
Binigyang-diin ng mambabatas na magpapatuloy ang kanilang pag-alalay sa mga apektadong pamilya hanggang sa tuluyang makabangon ang mga komunidad at makabalik sa normal na pamumuhay matapos ang pananalasa ng habagat.
