MANILA — Inalis sa kanilang mga puwesto ang hepe ng Highway Patrol Group-National Capital Region (HPG-NCR) at 11 iba pang tauhan nito habang iniimbestigahan ang umano’y komprontasyon sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Bulacan.
Kabilang sa sinibak sa puwesto si Police Col. Joey Tomas Caise, hepe ng HPG-NCR. Iniutos ni HPG Director Brig. Gen. Rommel Batangan ang administrative relief sa kabuuang 12 pulis bilang bahagi ng imbestigasyon sa insidente.
Naganap umano ang insidente sa isang pasilidad sa Bulacan kung saan isinasagawa ang pagsira o pag-iincinerate sa mga nakumpiskang puslit na sigarilyo.
Batay sa paunang ulat, isang grupo ng HPG-NCR personnel na umano’y pinamumunuan ni Police Lt. Col. Carlo Loñosa ang nakipagkomprontasyon sa mga tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) ng BOC.
Ayon sa alegasyon, hinarass umano ng mga pulis ang Customs Police, inagawan ng armas ang ilan sa mga ito at tinutukan pa ng baril habang tinatangka umanong kunin ang mga kontrabandadong sigarilyong nakatakdang sirain.
Agad umanong ipinaalam ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa pamunuan ng PNP ang nangyari matapos niyang matanggap ang ulat tungkol sa insidente.
Sinabi ng HPG na seryoso nitong sinusuri ang mga alegasyon at aalamin kung totoong may mga baril na itinuro sa mga tauhan ng Customs, gayundin kung may sapat na legal na awtoridad ang mga pulis para makialam sa proseso ng pagsira sa mga nakumpiskang kontrabando.
Ayon sa PNP-HPG, ang administrative relief ay naglalayong bigyang-daan ang patas at malayang imbestigasyon nang walang panghihimasok mula sa mga sangkot na opisyal.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at kung may pananagutang administratibo o iba pang kaso laban sa mga pulis na sangkot.
