NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang 43 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P292.4 milyon sa isang shipment mula Afghanistan na dumating sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon sa BOC, dalawang 20-foot container ang idineklarang may kargang “talc stones.” Gayunman, isinailalim ang mga ito sa 100% physical examination matapos mamarkahan bilang high-risk shipment sa isinagawang profiling at monitoring ng ahensya.
Sa masusing inspeksyon, natuklasan ang hinihinalang shabu na nakatago sa mga telang pouch na ginawa at pinahiran ng materyal na kahawig ng plaster of Paris upang magmukhang bahagi ng idineklarang kargamento.
Nakumpirma sa isinagawang laboratory examination na methamphetamine hydrochloride o shabu ang laman ng mga nakumpiskang pouch.
Napansin din ng mga awtoridad ang pagkakatulad ng shipment sa isang naunang kargamento mula Afghanistan na idineklarang “marble” at nasabat sa MICP noong Pebrero 10, 2026. Tinatayang 40 kilo ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P272 milyon ang narekober noon.
Ayon kay Customs Commissioner Nepomuceno, malaking bahagi ng pagkakasabat ang mahigpit na risk assessment, profiling at pagbabantay sa mga high-risk shipment.
Aniya, patuloy na palalakasin ng BOC ang border control upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa, lalo na ang mga shipment na may kahina-hinalang deklarasyon o paulit-ulit na nakikita sa mga smuggling operation.
Pinangunahan ng PDEA at BOC ang pagsusuri sa kargamento sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), X-ray Inspection Project (XIP), at iba pang concerned units.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nasa likod ng shipment at kung saan sana dadalhin ang malaking kontrabando.
