ISANG magsasaka ang nasawi matapos pagbabarilin ng mga armadong lalaki habang pauwi sakay ng motorsiklo sa Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Kinilala ng Police Regional Office-BARMM ang biktima na si Ebrahim Kalotig Timbao, 45, residente ng Barangay Datu Bakal.
Naganap ang insidente dakong alas-5:50 ng hapon noong Linggo sa Barangay Dilembong.
Ayon sa pulisya, binabagtas ni Timbao ang lugar sakay ng kanyang motorsiklo nang biglang lapitan at pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng isang walang plakang minivan.
Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktima matapos magtamo ng mga tama ng bala.
Sa isinagawang crime scene processing, nakarekober ang SOCO ng siyam na basyo ng bala, na pinaniniwalaang kalibre 5.56mm.
Samantala, ilang persons of interest na ang tinututukan ng mga imbestigador habang inaalam pa ang motibo sa pagpatay.
Kapansin-pansin ang krimen dahil naganap ito habang mahigpit na ipinatutupad ang Comelec gun ban sa BARMM bilang bahagi ng seguridad para sa kauna-unahang parliamentary elections sa rehiyon sa Setyembre 14.
Dinala na ng pamilya ang labi ni Timbao sa kanilang tahanan sa Barangay Datu Bakal para sa Islamic burial.
