NAGBABALA ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa publiko na iwasang kumain, bumili o mangolekta ng shellfish mula sa ilang coastal waters sa Leyte matapos makitaan ng paralytic shellfish toxin o red tide.
Sa advisory ng BFAR nitong Martes, Agosto 25, sinabi ng ahensya na nagpositibo sa saxitoxin ang mga sample na kinuha mula sa apektadong katubigan.
Pansamantalang ipinatutupad ang precautionary measure habang isinasagawa ng BFAR National Fisheries Laboratory Division ang confirmatory testing.
Sakop ng babala ang lahat ng uri ng shellfish, pati Acetes o alamang, na nagmumula sa mga apektadong lugar.
DALAWANG LUGAR SA EASTERN VISAYAS, MAY BAN DIN
Bukod sa Leyte, nananatili rin ang shellfish ban sa Matarinao Bay sa Eastern Samar at coastal waters ng Biliran Island dahil sa naunang pagtukoy ng red tide toxins.
Kasama sa sakop ng Matarinao Bay ang coastal waters ng General MacArthur, Quinapondan, Hernani at Salcedo.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagkain at pangunguha ng shellfish at alamang mula sa mga lugar na ito dahil maaari itong magdulot ng pagkalason.
Gayunman, sinabi ng BFAR na maaari pa ring kainin ang isda, pusit, hipon at alimango, basta sariwa at maayos ang paghahanda.
Pinapayuhan ang publiko na alisin ang lamang-loob, bituka at hasang ng mga ito at hugasang mabuti bago lutuin.
DELIKADO ANG RED TIDE TOXINS
Ang red tide ay dulot ng pagdami ng ilang uri ng algae na maaaring gumawa ng toxins na mapanganib sa tao at marine life.
Ang pagkain ng shellfish na nakapag-ipon ng toxins ay maaaring magdulot ng paralytic shellfish poisoning (PSP).
Babala ng BFAR, hindi sapat ang pagluluto upang tuluyang maalis ang red tide toxins kaya dapat sundin ang umiiral na shellfish ban.
Pinayuhan ang mga mamimili na bumili lamang ng shellfish mula sa ligtas at aprubadong pinagkukunan at huwag mangolekta ng shellfish sa mga lugar na may red tide advisory.
Nakatakda namang maglabas ang BFAR ng panibagong abiso matapos makumpleto ang confirmatory laboratory testing sa mga sample mula sa mga apektadong katubigan.
