Sa larawan: Agad nag kasa ng rescue operations ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) sa isang pamilya at kanilang mga alagang aso, na naipit sa biglaang pagtaas at pagragasa ng tubig baha na may kasamang putik sa Otero Avenue, Barangay Mabayuan, Olongapo City sa kasagsagan ng walang tigil na buhos ng ulan bunsod ng habagat at namumuong bagyo.
MARAMING bahagi ng Olongapo City ang binaha matapos ang ilang araw na tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat, na nagpaapaw sa mga ilog at nagdulot din ng pagguho ng lupa sa ilang lugar.
Nagsimulang lumubog sa baha ang malalawak na bahagi ng lungsod nitong Biyernes, Agosto 28, bandang alas-1:30 ng hapon, dahilan para ma-stranded ang maraming residenteng pauwi mula sa trabaho sa loob ng Subic Bay Freeport Zone.
Agad namang nagpakalat ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng mga malalaking truck upang sunduin at ihatid sa mga terminal ang mga residenteng hindi makauwi dahil sa baha.
Samantala, ilang lugar din ang nakaranas ng pagguho ng lupa. Sa Barangay Kalaklan, kumalat ang mga bato at debris sa pangunahing kalsada patungong Zambales, na nakaapekto sa daloy ng trapiko.
Umapaw naman ang ilang ilog at tulay sa Sta. Rita at Del Rosario, dahilan upang pasukin ng baha ang mga kabahayan sa mabababang lugar sa West Bajac Bajac, East Bajac Bajac, Kalaklan, Sta. Rita at Mabayuan.
Sa Barangay Mabayuan, agad na nagsagawa ng rescue operation ang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office (BDRRMO) matapos ma-trap ang ilang pamilya sa kanilang mga bahay dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig at malakas na agos na may kasamang putik.
Kabilang sa mga iniligtas ang ilang residente pati ang kanilang mga alagang aso na hindi na ligtas na makalabas sa kanilang mga tahanan.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang lagay ng tubig at mga lugar na posibleng muling bahain o magkaroon ng pagguho habang nagpapatuloy ang malakas na pag-ulan.
