LIMANG pasyente ang nagtamo ng mga pinsala matapos bumagsak ang elevator ng isang dialysis clinic sa Barangay Kalaklan, Olongapo City nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa paunang impormasyon, dakong alas-6 ng umaga nang mangyari ang insidente sa dalawang palapag na gusali ng klinika.
Nasa loob ng elevator ang limang pasyente nang umano’y pumalya ang kable nito. Ilang segundo umano itong huminto bago tuluyang bumagsak mula ikalawang palapag patungo sa unang palapag.
Lahat ng sakay ay pawang mga pasyenteng sasailalim pa lamang sa dialysis treatment at kabilang sa unang batch ng mga naka-schedule sa araw na iyon.
Agad na isinugod at binigyan ng paunang lunas ang mga biktima, na iniulat na nakaranas ng pananakit sa hita, bewang at mga braso.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung ano ang sanhi ng pagkaputol o pagkasira ng kable ng elevator.
