HIGIT 200 opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng umano’y kalakaran ng pagbebenta ng puwesto sa recruitment ng mga bagong bumbero.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, bahagi ito ng malawakang kampanya ng ahensya para linisin ang hanay ng BFP at wakasan ang korapsyon sa kanilang recruitment process.
“Hindi ako titigil hangga’t hindi makukulong lahat na rotten personnel sa BFP,” mariing pahayag ni Remulla sa press conference sa Camp Crame, Quezon City.
Umani ng atensyon ang operasyon matapos maaresto noong Agosto 24 sa Pampanga ang isang babaeng Senior Fire Officer 1 ng BFP matapos ireklamo ng isang aplikante dahil umano sa paghingi ng ₱300,000 kapalit ng slot.
Nasa kustodiya na ng PNP-CIDG ang suspek at nahaharap sa mga kasong robbery, extortion at paglabag sa Republic Act 10175.
Ayon kay Remulla, 11 BFP officials na rin ang kinasuhan ngayong taon dahil sa kaparehong “slot-for-sale” scheme.
Tinatayang ₱15 bilyon kada taon umano ang nawawala dahil sa korapsyon sa BFP. Sinabi ni Remulla na layunin niyang tuluyang buwagin sa loob ng anim na buwan ang tinawag niyang 25-taong nationwide corruption network.
Sa kasalukuyang recruitment, nasa 23,344 aplikante ang naglalaban para sa 2,504 lamang na available na posisyon.
“Napakaraming qualified, limited ang slots. Sa decision kung sino ang papasok ang nagkakaroon ng korapsyon,” ani Remulla.
Kasama rin sa iniimbestigahan ang BFP Region 4A Assistant Regional Director, na sinasabing sangkot umano sa Pampanga scheme. Pansamantala itong inalis sa puwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Lahat din ng BFP Regional Directors ay isinailalim sa imbestigasyon bilang bahagi ng malawakang paglilinis sa ahensya.
E-HIRING PARA WAKASAN ANG ‘BAYARAN’
Kasabay ng imbestigasyon, ipinapatupad na rin ng BFP ang bagong e-hiring online system upang maiwasan ang manipulasyon sa recruitment.
Sa ilalim ng sistema, numero o code lamang ang gagamitin sa pagkakakilanlan ng mga aplikante habang isinasagawa ang proseso. System-generated din ang listahan ng mga mapipili at saka lamang ilalabas ang kanilang pangalan sa pagtatapos ng recruitment.
Ayon kay BFP Officer-in-Charge Fire Chief Superintendent Wilberto Rico Neil Ang Kwan Tiu, umaasa silang tuluyan nang mawawala ang “slot-for-sale” scheme dahil sa bagong sistema.
Samantala, iginiit ni Remulla na walang puwang sa DILG, PNP, BFP at BJMP ang mga tiwaling opisyal, at sisiguraduhing ang pagpasok sa serbisyo publiko ay nakabatay sa kwalipikasyon at hindi sa kapal ng bulsa.
