NILINAW ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi P1,503.84 ang aktuwal na presyo ng bawat Family Food Pack (FFP) na ipinamahagi nito sa mga biktima ng kalamidad.
Ang halagang P1,503.84 na lumitaw sa ilang kumakalat na social media posts ay itinakdang maximum o ceiling price lamang para sa mga supplier at bidder at hindi ang halagang ibinayad ng pamahalaan.
Sa isinagawang competitive bidding, P797.80 kada kahon ang pinakamababang alok ng 2Go Global International Corporation, na siyang idineklarang winning bidder para sa food packs.
Ayon sa DSWD, bukod sa mga laman ng kahon, saklaw din ng P797.80 ang mga gastusin para sa packaging materials, transportasyon at manpower na kailangan sa pag-iimpake at paghahanda ng mga FFP.
Bawat food pack ay naglalaman ng anim na kilo ng vacuum-packed rice, apat na lata ng corned beef, apat na lata ng tuna, dalawang lata ng sardinas at limang sachet ng kape o instant drink.
Mariing pinabulaanan ng ahensya ang mga post na nagsasabing overpriced ang mga food pack at hinimok ang publiko na beripikahin muna ang impormasyon bago ito ibahagi sa social media.
Pinayuhan ng DSWD ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon hinggil sa mga programa nito mula sa mga opisyal at lehitimong communication channels ng ahensya.
