IDENEKLARA nang State of Calamity ang Olongapo City dahil sa lawak ng pinsalang iniwan ng matinding pagbaha na dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo.
Isinagawa ang deklarasyon nitong Martes, Setyembre 1, matapos aprubahan at lagdaan ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang resolusyon kaugnay ng kahilingan ng city government.
Nagpasalamat naman ang pamahalaang lungsod sa pangunguna ni Vice Mayor Kaye Ann Legaspi at sa mga konsehal dahil sa agarang pag-aksyon sa panukalang isailalim ang lungsod sa State of Calamity.
Bagama’t suspendido ang pasok sa ilang tanggapan dahil sa direktiba ng national government, dumalo pa rin ang mga miyembro ng konseho upang maisagawa ang kinakailangang deliberasyon at aksyon para sa deklarasyon.
Sa ilalim ng State of Calamity, mas mapapabilis ang paggamit ng Quick Response Fund (QRF) para sa agarang pangangailangan ng mga residenteng apektado ng kalamidad.
Maaaring gamitin ang pondo para sa pagbili at pamamahagi ng pagkain, gamot at iba pang emergency supplies, gayundin sa pagkukumpuni ng mga imprastrakturang napinsala ng baha.
Bago ang deklarasyon, nagsagawa ng emergency meeting ang Olongapo City Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) upang suriin ang naging epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan at pagbaha sa lungsod.
Dumalo sa naturang pagpupulong ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang departamento ng pamahalaang lungsod upang talakayin ang mga hakbang para sa agarang pagtugon sa sitwasyon.
Patuloy namang nananawagan ang mga lokal na opisyal sa mga residente na mag-ingat at manatiling alerto habang isinasagawa ang mga operasyon para tugunan ang pinsalang dulot ng halos isang buwang pag-ulan at pagbaha.
