Photo from Senate of the Phils
BINATIKOS ng mga lider ng Kamara ang dating pamumuno ni Vice President Sara Duterte sa Department of Education (DepEd) matapos umanong gamitin ang isang sertipikasyon ng militar bilang suporta sa pagli-liquidate ng ₱15.54 milyon na confidential funds na sinasabing ipinambayad bilang reward.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tila “nabudol ang AFP” matapos mapatunayan sa pagdinig na walang natanggap na confidential o anumang pondo mula sa DepEd ang 1st Infantry “Tabak” Division para sa mga isinagawang aktibidad ng militar.
Nagpatotoo si Col. Manaros Boransing II na kabilang sa mga aktibidad ang walong Youth Leadership Summits (YLS) at 53 information, education and communication (IEC) activities na sakop ng sertipikasyong inihanda noong Enero 1, 2024.
Ayon kay Boransing, ang naturang sertipikasyon ay karaniwang dokumentong ibinibigay ng militar sa mga ahensiya at stakeholder na lumalahok sa kanilang mga programa.
Ngunit sinabi niyang noong Oktubre 2024 lamang niya nalaman na isinumite ang sertipikasyon sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng audit observation sa paggamit ng confidential funds ng DepEd.
‘HINDI PATUNAY NA MAY REWARD’
Giit ni Adiong, pinatutunayan lamang ng sertipikasyon na isinagawa ang mga aktibidad ng AFP at may mga lumahok dito.
Hindi umano nito napapatunayan na may ₱15.54 milyong reward na ipinamahagi mula sa confidential funds o na naging matagumpay ang anumang intelligence-gathering operation na pinondohan ng naturang pera.
Sa pagdinig, muling ipinalabas ng prosecution ang testimonya noong 2024 ni Michael Wesley Poa, dating DepEd undersecretary at chief of staff na bahagi na ngayon ng defense team ni Duterte.
Ayon kay Poa, hiniling niya noon kay dating DepEd Undersecretary at retiradong Maj. Gen. Nolasco Mempin na kumuha ng military certifications bilang patunay ng accomplishment matapos humingi ang COA ng mga dokumentong may kaugnayan sa reward na ibinayad mula sa confidential funds.
Kinumpirma naman ni Boransing na inatasan siya ng kanyang dating division commander na ihanda ang sertipikasyon matapos makatanggap ng tawag mula kay Mempin.
‘GINAMIT ANG LEGITIMONG PROGRAMA’
Para kay Adiong, lumalabas sa testimonya na ginamit ang isang lehitimong programa ng AFP na matagal nang isinasagawa upang makatulong sa pag-justify ng paggamit ng confidential funds ng DepEd.
Iginiit naman ni House Committee on Higher and Technical Education Chair Jude Acidre na posibleng nagkaroon ng maling representasyon sa paggamit ng sertipikasyon bilang liquidation document.
Aniya, hindi awtomatikong nangangahulugan ang sertipikasyon na nagkaroon ng direktang gastusin ang Office of the Secretary of Education para sa naturang mga aktibidad.
Tatlong pangunahing tanong umano ang kailangang sagutin: sapat ba ang sertipikasyon bilang liquidation proof, napatunayan ba nitong aktuwal na binayaran ang mga informant, at napatunayan ba nitong tama at legal ang paggamit ng confidential funds.
SINO ANG TUMANGGAP NG ₱15.54M?
Isa pa sa binigyang-diin ni Adiong ay kung sino talaga ang nakatanggap ng ₱15.54 milyon na sinasabing reward.
Dahil kabilang sa mga dumalo sa Youth Leadership Summits ang mga estudyante, kinuwestiyon din niya kung ginamit ba ang mga ito bilang informants o spies.
Iginiit ng mambabatas na kailangang malinaw kung sino ang kwalipikadong maging informant at kung paano tinutukoy kung sino ang dapat bayaran mula sa confidential funds.
Samantala, sinabi ni Acidre na nasa DepEd at sa mga opisyal na may pananagutan sa pondo ang burden of proof upang maipakita kung saan napunta ang pera.
Aniya, kahit confidential ang naturang pondo, hindi nito inaalis ang pananagutan ng mga opisyal na pinagkatiwalaan ng pera ng taumbayan.
₱112.5M CONFIDENTIAL FUNDS NG DEPED
Nakatanggap ang DepEd ng kabuuang ₱112.5 milyon confidential funds noong unang tatlong quarter ng 2023, na ipinagkaloob sa tatlong tranche na tig-₱37.5 milyon habang si Duterte ang kalihim ng ahensya.
Ang umano’y maling paggamit, misappropriation at iregular na liquidation ng naturang pondo ay kabilang sa Article I ng Articles of Impeachment laban kay Duterte.
