TIMBOG ang isang 48-anyos na security guard matapos umanong mangmolestiya sa isang 19-anyos na babaeng estudyante sa loob ng isang commercial complex sa Barangay Kalubihan, Cebu City.
Kinilala lamang ang suspek sa alyas na “Joe,” residente ng Barangay Tingub, Mandaue City. Naaresto siya ng mga tauhan ng Cebu City Police Office (CCPO) Carbon Police Station 5 sa isinagawang hot-pursuit operation nitong Martes ng umaga, Setyembre 1.
Batay sa ulat ni Police Master Sergeant Genevieve T. Garche, naganap umano ang insidente dakong alas-11:40 ng gabi noong Agosto 31 sa Sanciangko Street.
Kinabukasan, bandang alas-7:30 ng umaga, nagtungo sa Police Station 5 ang biktima, na tinukoy sa alyas na “Anna,” kasama ang kanyang boardmate upang ireport ang umano’y pangyayari.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga pulis at tinungo ang lugar kung saan sinasabing naganap ang insidente.
Nang makita ng biktima ang suspek, nakumpirma umano nito ang kanyang pagkakakilanlan. Nabatid na naka-duty bilang security guard sa naturang establisimyento ang lalaki nang mangyari ang insidente.
Dahil dito, agad siyang dinakip ng mga awtoridad.
Nasa kustodiya ngayon ng Police Station 5 ang suspek habang inihahanda ang kaukulang reklamo para sa pagsasampa ng kaso sa Cebu City Prosecutor’s Office.
