OLONGAPO CITY —HINDI na kailangang gumastos ng mga guro ng pampublikong paaralan sa kanilang taunang medical checkup matapos ilunsad sa lungsod ang libreng Annual Physical Examination (APE) sa inisyatiba ni Zambales 1st District Representative at Deputy Speaker Cong. Jay Khonghun.
Isinagawa ang programa bilang tugon sa kahilingan ng Schools Division Office (SDO) of Olongapo, sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Dr. Imelda Macaspac.
Layunin ng libreng pagsusuri na maagapan ang anumang posibleng karamdaman at masubaybayan ang kalagayan ng kalusugan ng mga gurong araw-araw na humaharap sa mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Khonghun na mahalagang mapangalagaan ang kalusugan ng mga guro dahil malaking bahagi sila sa edukasyon at paghubog sa kinabukasan ng kabataan.
Ayon sa mambabatas, hindi lamang mga pasilidad at kagamitan sa paaralan ang dapat suportahan kundi maging ang kalusugan at kapakanan ng mga gurong nagsisilbing katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng edukasyon.
Sa pamamagitan ng libreng APE, nabibigyan ang mga guro ng pagkakataong makapagpasuri nang regular at maagapan ang mga kondisyong maaaring makaapekto sa kanilang trabaho at pang-araw-araw na buhay.
Patuloy naman ang mga programang pangkalusugan ni Khonghun para sa mga guro at iba pang residente ng Olongapo City at mga karatig-lugar sa unang distrito ng Zambales.
