POSIBLENG gawing malaking sandalan ng gobyerno ang dagdag na buwis sa alak para pondohan ang planong pagpapababa ng income tax, partikular sa mga middle-income worker.
Ayon kay House Ways and Means Committee Chairperson at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo nitong Huwebes, pinag-aaralan ng komite ang pagtataas at pagbabago sa excise tax sa mga inuming may alkohol bilang bahagi ng mas malawak na tax relief package ng pamahalaan.
Layunin ng hakbang na makalikom ng sapat na kita upang matustusan ang income tax cuts nang hindi mababawasan ang pondo para sa mahahalagang serbisyo at programa ng gobyerno.
Kabilang sa pinag-uugnay na hakbang ang Progress Bill, na naglalayong bawasan ang income tax burden, lalo na sa mga manggagawang nasa middle-income bracket.
Hindi lamang dagdag-kita ang pakay ng alcohol excise tax. Ayon kay Quimbo, tulad ng ibang sin tax, layunin din nitong pigilan ang labis na pagkonsumo ng mga produktong maaaring makasama sa kalusugan.
“We are studying reforms to the excise tax on alcoholic beverages to complement the other compensatory measures previously tackled by this Committee,” ani Quimbo.
Sinabi ng mambabatas na kailangang magkaroon ng pambawi sa posibleng mawawalang kita ng gobyerno kapag ipinatupad ang income tax relief.
“This measure aims to ensure that the government can deliver on its commitment to our taxpayers to ease their income tax burden, while maintaining the revenues needed to sustain essential government programs and services,” dagdag niya.
Gayunman, hindi basta-basta itutulak ang panukala. Susuriin ng komite ang posibleng epekto ng dagdag na buwis sa mga manufacturer, distributor, retailer at iba pang bahagi ng industriya ng alak.
Iginiit ni Quimbo na kailangang timbangin ang pangangailangan ng gobyerno sa kita, layunin sa pampublikong kalusugan at epekto sa industriya bago magpatupad ng anumang pagbabago.
Batay sa datos at ebidensiya ang magiging pagsusuri ng komite, habang hinikayat ni Quimbo ang mga stakeholder na maglahad ng kanilang mga rekomendasyon.
Dapat umanong isaalang-alang sa pagbalangkas ng polisiya ang kapakanan ng publiko, pribadong sektor, kabataan at pamahalaan.
Nauna nang pinag-aralan ng komite ang mga panukalang pagbabago sa excise tax sa nicotine products bilang bahagi ng mas malawak na review sa mga sin-tax measure.
Sa kabuuan, nais ng mga mambabatas na magkaroon ng tax relief para sa mga manggagawa nang hindi sinasakripisyo ang kita ng gobyerno at mga serbisyong umaasa rito.
