ARESTADO ang isang itinuturing na high-value individual (HVI) matapos masabat ng pulisya ang tinatayang isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon sa isang buy-bust operation sa Barangay Balagtas, Batangas City, gabi ng Setyembre 2, 2026.
Isinagawa ang operasyon dakong alas-9:35 ng gabi ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit–Special Operations Unit (PDEU-SOU), PDEA Batangas at Batangas City Component Police Station, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 4A.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Utoy,” 24 anyos na tubong Alfonso, Cavite at residente ng Barangay San Jose, Dasmariñas, Cavite.
Ayon sa pulisya, nakumpiska sa suspek ang isang malaking heat-sealed transparent plastic bag na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu.
Tinatayang isang kilo ang timbang ng nakumpiskang droga na may Dangerous Drugs Board (DDB) value na P6.8 milyon.
Nakuha rin sa operasyon ang isang brown paper bag na may 10 bundle ng boodle money na nagkakahalaga ng P1 milyon. Naglalaman ng P1,000 bill at 999 pekeng P1,000 bills na ginamit bilang marked money.
Kasama rin sa mga nasamsam ang isang Redmi cellphone, blue-gray backpack at P500 cash.
Isasailalim sa laboratory examination ang nakumpiskang hinihinalang droga, habang sasailalim naman sa drug testing at medical examination ang suspek.
Pinuri ni Batangas Police Provincial Office Director PCol. Oliver B. Ebora ang mga operatiba at tiniyak na magpapatuloy ang operasyon laban sa mga nagbebenta at nagpapakalat ng ilegal na droga sa lalawigan.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inihahanda nang isampa laban sa kanya.
