ZAMBALES- LIMANG indibidwal ang arestado ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group Regional Field Unit 3 (CIDG RFU3) sa magkahiwalay na operasyon laban sa umano’y ilegal na pagbebenta ng petroleum products sa lalawigan nitong Miyerkules, Setyembre 2.
Ayon kay Police Col. Grant Gollod, hepe ng CIDG RFU3, umabot sa 50,737 litro ng gasolina ang nasamsam ng mga awtoridad na tinatayang nagkakahalaga ng P4 milyon.
Tatlong suspek ang unang dinakip sa isinagawang buy-bust operation sa isang gasoline station sa Barangay Inhobol, Masinloc.
Ayon sa CIDG, nahuli ang mga suspek sa umano’y pagbebenta ng gasolina nang walang kaukulang pahintulot mula sa Department of Energy (DOE).
Lumabas din sa imbestigasyon na wala umanong Certificate of Compliance (COC) ang naturang gasoline station.
Tinatayang 33,249 litro ng gasolina, na nagkakahalaga ng P2.6 milyon, ang nasamsam sa unang operasyon.
Samantala, dalawang indibidwal naman ang arestado sa ikalawang operasyon sa isang gasoline station sa Barangay Patrocinio, San Narciso.
Nasabat dito ang tinatayang 17,488 litro ng gasolina na may halagang P1.3 milyon.
Nahaharap ang mga suspek sa posibleng mga kaso sa ilalim ng Republic Act No. 8479 o Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, gayundin sa iba pang regulasyong may kinalaman sa pagbebenta at distribusyon ng petroleum products.
