In photo: Mga nakumpiskang high-grade marijuana o “Kush” habang iniimbentaryo ng Customs Subic at PDEA matapos matagpuan sa isang foreign sailing yacht na sumilong sa Subic Bay Yacht Club.
SUBIC BAY FREEPORT — Sa halip na ligtas na masilungan sa masamang panahon, nauwi sa pagkakaaresto ng dalawang dayuhan ang pansamantalang pagdaong ng isang foreign sailing yacht sa Subic Bay matapos umanong mabisto ang mahigit P162 milyon halaga ng high-grade marijuana o “Kush.”
Nagsagawa ng operasyon ang Bureau of Customs-Port of Subic (BOC-POS) at SBMA Police noong gabi ng Miyerkules, Setyembre 2, matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa isang yate na humingi ng emergency shelter at pagkukumpuni sa Subic Bay Yacht Club (SBYC).
Agad na rumesponde ang mga awtoridad at isinailalim sa inspeksyon ang sasakyang-dagat.
Sa loob ng yate, nakita umano ang humigit-kumulang 80 itim na plastic bags na naglalaman ng hinihinalang high-grade marijuana o Kush.
Tinaya ng BOC Subic sa P162.2 milyon ang street value ng nakumpiskang kontrabando.
Kasunod nito, arestado ang dalawang foreign nationals na sinabing isang Thai at isang Malaysian national.
Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na nagmula umano ang mga suspek sa Kota Kinabalu, Malaysia at patungo sana sa Taiwan sakay ng naturang yate.
Napilitan umano silang maghanap ng masisilungan at magpagawa ng kanilang sasakyang-dagat sa SBYC dahil sa sama ng panahon.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan, destinasyon at tunay na may-ari ng kontrabando.
Samantala, isinuko na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nakumpiskang hinihinalang illegal drugs para sa kaukulang proseso at pagsusuri.
