QUEZON CITY —SUPORTADO ni TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre ang patuloy na pagsulong sa Senado ng panukalang gawing permanente ang Presidential Merit Scholarship Program upang matiyak na hindi magiging hadlang ang kahirapan sa pag-aaral ng mga matatalinong kabataang Pinoy.
Ayon kay Acidre, karapat-dapat mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyanteng may talento, sipag at determinasyon na maabot ang kanilang pangarap kahit kapos sa pera.
Naipasa na sa ikatlong pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 8477, o Presidential Merit Scholarship Program Act, na pangunahing inakda at itinaguyod ni Acidre.
Layunin nitong palawakin ang scholarship opportunities para sa higher education at technical-vocational training at tiyaking may sapat na suporta ang mga iskolar hanggang makapagtapos.
Nakabatay naman ang bersyon ng Senado sa umiiral na Bagong Pilipinas Merit Scholarship Program, partikular para sa mga estudyanteng kumukuha ng kursong mahalaga sa pag-unlad ng bansa.
Giit ni Acidre, hindi dapat nakasalalay sa pagbabago ng administrasyon o taunang budget ang kinabukasan ng mga kabataang may malaking potensiyal.
Aniya, ang permanenteng scholarship program ay magbibigay ng matatag at pangmatagalang oportunidad sa mga estudyante at kanilang pamilya.
Mahalaga rin umano ito sa pangangailangan ng bansa sa mga eksperto sa edukasyon, kalusugan, agham at teknolohiya, agrikultura at iba pang kritikal na industriya.
Para kay Acidre, ang pagtulong sa pinakamahuhusay na estudyante ay hindi lamang gantimpala sa kanilang talino kundi pamumuhunan sa kinabukasan ng Pilipinas.
Umaasa si Acidre na magtutulungan ang Kamara at Senado upang tuluyang maisabatas ang panukala at magkaroon ng scholarship program na mapapakinabangan ng mga karapat-dapat na kabataan sa mga susunod pang henerasyon.
