MANILA —IPATUTUPAD ang alternative learning modes at iba pang learning continuity measures sa mga paaralan sa National Capital Region (NCR) at 15 lalawigan ngayong Biyernes, Setyembre 4, 2026, dahil sa inaasahang patuloy na malakas na pag-ulan at kalidad ng hangin.
Ang hakbang ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 134, na nag-aatas sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na ipagpatuloy ang pag-aaral sa pamamagitan ng alternatibong pamamaraan sa halip na regular na face-to-face classes.
Kabilang sa mga sakop ang NCR, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Benguet, Zambales, Bataan, Bulacan, Tarlac, Pampanga, Cavite, Laguna, Batangas at Occidental Mindoro.
Inaasahang magpapatuloy ang malalakas na pag-ulan bunsod ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat, na maaaring magdulot ng pagbaha at iba pang panganib sa ilang lugar.
Bukod dito, nakaranas din mahinang kalidad ng hangin sa NCR dahil sa haze na iniuugnay sa matitinding forest at peatland fires sa Kalimantan at Sumatra, Indonesia.
Sa ilalim ng alternative learning modes, maaaring gumamit ang mga paaralan ng distance learning, modular learning, online classes at iba pang angkop na paraan upang hindi tuluyang maputol ang pag-aaral ng mga estudyante.
Gayunman, binigyang-diin na maaaring magpatupad ng cancellation o suspension ng klase ang mga lokal na pamahalaan kung kinakailangan, depende sa sa aktuwal na sitwasyon sa kanilang mga lugar.
Maaari rin umanong ipatupad ang localized cancellation o suspension ng klase sa iba pang lugar na hindi kabilang sa listahan, batay sa magiging desisyon ng kani-kanilang Local Chief Executives.
Pinapayuhan ang mga mag-aaral, guro at magulang na manatiling alerto at sumubaybay sa mga opisyal na abiso ng kanilang lokal na pamahalaan at paaralan.
