IBINASURA ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang mosyon ni Vice President Sara Duterte na ipagpaliban o bawiin ang warrant of arrest laban sa kanya kaugnay ng 3 counts ng grave threats.
Dahil dito, tuloy ang warrant of arrest na inilabas ng korte nitong Biyernes matapos nitong makita ang probable cause upang litisin ang bise presidente.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), walang naunang warrant laban kay Duterte at ang inilabas nitong Biyernes ang kauna-unahang warrant sa kaso.
“Mayroon lamang isang warrant at iyon ay ang warrant na inilabas ngayong araw,” ayon kay DOJ spokesperson Atty. Polo Martinez.
Iginiit din ng DOJ na hindi maaaring gamitin ni Duterte ang presidential immunity, dahil ang naturang proteksiyon ay nakalaan lamang sa pangulo.
Samantala, sinabi ng abogado ni Duterte na si Paul Lawrence Lim na walang balak ang bise presidente na tumakas o umiwas sa batas at gagamitin nito ang lahat ng legal na remedyo na maaari niyang gawin, kabilang ang mga usapin sa hurisdiksyon.
Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nakahanda ang kampo ni Duterte na magpiyansa agad.
Nag-ugat ang kaso sa naging pahayag ni Duterte sa isang online briefing kung saan sinabi niyang nag-ayos umano siya ng mga taong papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ang unang mapatay.
Kalaunan, iginiit ni Duterte na kinuha lamang sa konteksto ang kanyang mga pahayag.
Iginiit naman ng kanyang kampo na dapat ibasura ang kaso dahil umano sa kawalan ng hurisdiksyon ng korte. Anila, bilang isang impeachable officer, maaari lamang siyang alisin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment alinsunod sa Konstitusyon.
Ang isyu ng umano’y grave threats ay kabilang din sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment case laban kay Duterte na kasalukuyang nililitis sa Senado.
