TULUYANG isinara ng Quezon City government ang isang bar sa Barangay Loyola Heights matapos matuklasan ang sunod-sunod na paglabag sa mga umiiral na ordinansa ng lungsod.
Pinuntahan ng mga tauhan ng Business Permits and Licensing Department (BPLD) ang Speakeasy Bar sa Esteban Abada Street noong Sabado ng gabi, Setyembre 5, at ipinatupad ang Temporary Closure Order (TCO).
Kabilang sa mga paglabag ang hindi pagsunod sa Revenue Code, Liquor Ordinance at Comprehensive Zoning Ordinance ng Quezon City.
Nabatid din na wala umanong naipakitang Fire Safety Inspection Certificate mula sa Quezon City Fire District, dahilan upang masangkot din sa paglabag sa Philippine Fire Code ang establisyimento.
Pinangunahan ni BPLD head Marge Mejia ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng Department of Public Order and Safety at Quezon City Police District.
