MAS mabilis at mas tumpak na pagtukoy sa mga lugar na posibleng bahain ang target ng Project Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) matapos itong bigyan ng P1 bilyong pondo ng administrasyong Marcos.
Layunin ng dagdag na pondo na palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na makapaghanda at makaresponde bago pa man manalasa ang bagyo, Habagat at iba pang kalamidad na pinalalala ng climate change.
Ayon kay Mahar Lagmay, executive director ng University of the Philippines Resilience Institute (UPRI), malaking bahagi ng pondo ang gagamitin upang mapaigting ang flood management, hazard monitoring at disaster risk reduction systems sa buong bansa.
Isa sa pangunahing palalakasin ng NOAH ang impact-based forecasting na maaaring magbigay ng babala isang araw bago ang inaasahang pagbaha, kabilang ang posibleng epekto nito sa mga kalsada, bahay, gusali at daloy ng trapiko.
Gagamitin ng mga eksperto ang historical data, satellite images, rainfall records at iba pang scientific information upang makagawa ng mas detalyado at kapaki-pakinabang na forecast.
Sinabi ni Lagmay na mahalagang maisalin ang mga resulta ng siyentipikong pag-aaral sa konkretong aksyon upang makapagligtas ng buhay at makabuo ng mas ligtas at matatag na mga komunidad.
Sa kabuuang P1 bilyon, P935 milyon ang ilalaan sa research services habang P65 milyon naman ang para sa general management at supervision ng NOAH.
Kasama sa mga gagawin ang high-resolution mapping ng mga pangunahing river basin, hazard assessment, land-use planning at Oplan Kontra Baha, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga lokal na pamahalaan at private-sector partners.
Isasagawa rin ang LiDAR at drone topographic surveys, mapping ng native trees at hidden waterways, pagsusuri sa sediment erosion at paggamit ng nature-based solutions.
Palalawakin din ang paggamit ng artificial intelligence at data analytics para mapahusay ang disaster-risk management at forecasting.
Kasabay nito, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Public Works Secretary Vince Dizon na i-update ang mga flood-management master plan sa buong bansa.
Makikipagtulungan ang DPWH sa Project NOAH, LGUs at iba pang ahensya upang matiyak na ang mga bagong flood-control plan ay nakabatay sa kasalukuyang hazard maps at climate data.
Sinabi ni Marcos noong Setyembre 2 na matagal nang mayroon ang bansa ng flood-control master plan ngunit hindi ito naipatupad nang maayos.
Lumabas ang pahayag ng Pangulo habang nakararanas ng malawakang pagbaha ang Central Luzon, Metro Manila at iba pang bahagi ng Luzon dahil sa matinding pag-ulan.
Kabilang sa mga pangmatagalang solusyong isinusulong ng gobyerno ang dredging at paglilinis ng waterways, pagpapahusay ng drainage systems at maayos na land-use planning.
Itinatag noong 2012, ang Project NOAH ay nakatuon sa paggamit ng research, science at technology para sa disaster-risk reduction, climate-change adaptation at mitigation.
Ayon kay UP President Angelo Jimenez, ang pondo para sa UPRI ay isang pamumuhunan sa research at innovation na dapat gamitin upang makatulong sa pamahalaan sa paggawa ng mas mabilis at mas tamang desisyon.
Sa huli, ang tunay na sukatan ng proyekto ay hindi lamang dami ng datos at mapa kundi kung mas maagang nababalaan ang mga komunidad, nababawasan ang pinsala at mas maraming buhay ang naliligtas sa panahon ng kalamidad.
