ISINAMPA na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang plunder case laban kay dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, kaugnay ng umano’y P56 bilyong ill-gotten wealth mula sa mga flood control project noong 2022 hanggang 2025.
Ayon sa Ombudsman, kapwa sina Romualdez at Co ay inakusahan ng pagsasagawa ng “concerted and coordinated acts” o magkakaugnay at koordinadong pagkilos na umano’y naglalayong makapagkamal at makakuha ng malaking halaga mula sa pondo ng bayan.
Bahagi ito ng mas malawak na imbestigasyon ng pamahalaan sa mga umano’y anomalya sa flood control projects, kabilang ang mga alegasyon ng overpricing, ghost projects at iba pang iregularidad sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
Kabilang umano sa mga ebidensiyang sinuri ng Ombudsman ang mga salaysay tungkol sa paghahatid ng malalaking halaga ng pera na umano’y inilagay sa mga maleta at inihatid ng mga dating bodyguard.
Gayunman, ang mga naturang testimonya at iba pang ebidensiya ay kailangan pang suriin at timbangin ng Sandiganbayan sa pagdinig sa kaso.
Bukod sa plunder, ilang respondent sa flood control controversy ang nauna nang nasangkot sa mga imbestigasyon kaugnay ng umano’y graft, bribery at money laundering.
Patuloy rin umanong sinusuri ng mga awtoridad ang mga dokumento, transaksiyon at iba pang rekord na may kaugnayan sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon, iginiit na wala siyang ginawang ilegal at handa siyang harapin ang mga paratang sa pamamagitan ng legal na proseso.
Samantala, sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kailangang “do what is right” habang isinasagawa ang imbestigasyon sa mga umano’y anomalya.
Binigyang-diin din ng Pangulo na dapat managot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas, anuman ang kanilang posisyon o katayuan.
Si Romualdez ay pinsang buo ng Pangulo, na lalo pang nagbigay ng malaking atensiyon sa kasong isinampa kaugnay ng kontrobersiya sa flood control projects.
