IGINIIT ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na walang operasyon laban kay Vice President Sara Duterte o sa kanyang pamilya ang police presence sa labas ng kanilang tahanan sa Davao City, kundi bahagi lamang ito ng regular na security protocol.
Ayon kay Remulla, araw at gabi ay may mga pulis na nakatalaga sa lugar upang bantayan ang paligid ng tahanan ng bise presidente at magsilbing deterrent laban sa anumang posibleng banta sa kanyang seguridad.
“Never did we enter her house to harass her mother or her children,” ani Remulla sa press conference sa Camp Crame sa Quezon City nitong Martes.
Nilinaw ng kalihim na hindi lamang noong isang gabi naroon ang mga pulis at hindi rin ito isang biglaang deployment. Matagal na umanong may police presence sa lugar dahil sa security requirements ng isang establisimyentong katabi ng tahanan ng pamilya Duterte.
Ang pahayag ni Remulla ay kasunod ng pag-aalala ni Duterte sa kaligtasan ng kanyang pamilya matapos niyang sabihin na hinarass umano ang kanyang ina at mga anak sa kanilang bahay sa Davao City.
Mariin namang itinanggi ng DILG chief na pumasok ang mga pulis sa kanilang tahanan upang mang-harass o manakot sa kanyang pamilya.
“Gabi-gabi naman andiyan talaga ‘yan, just to provide deterrents kung may gustong mangyari kay Vice President,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Remulla na ang police deployment ay bahagi ng established security procedures at hindi isang pambihira o one-time operation.
Sinabi rin niya na tungkulin ng pulisya na panatilihin ang peace and order at protektahan ang publiko, kabilang ang bise presidente at kanyang pamilya.
Dahil dito, hinimok ni Remulla ang publiko na huwag agad ipakahulugan bilang harassment o intimidation ang regular na police presence sa paligid ng tahanan ni Duterte.
