ARESTADO ang isang 37-anyos na babaeng online seller matapos masamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱5 milyong halaga ng beauty products sa isang operasyon sa San Jose del Monte City, Bulacan nitong Setyembre 7.
Isinagawa ang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Bulacan Provincial Field Unit kasama ang San Jose del Monte City Police Station at isang kinatawan ng Food and Drug Administration (FDA).
Naaresto ang suspek matapos umano nitong ibenta at ipamahagi ang mga beauty product sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Nasamsam sa operasyon ang 78 kahon ng beauty creams na binubuo ng 40 kahon ng Day and Night Beauty Cream at 38 kahon ng Day Beauty Cream. May tig-144 piraso ang bawat kahon, na may kabuuang tinatayang market value na ₱5 milyon.
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Konstitusyon bago siya dinala sa CIDG Bulacan facility para sa kaukulang proseso. Samantala, isinailalim sa kustodiya bilang ebidensiya ang mga nakumpiskang produkto.
Binigyang-diin ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. na patuloy na kumikilos ang pulisya laban sa mga ilegal na aktibidad na maaaring maglagay sa panganib sa mga consumer.
Pinayuhan naman ng PNP ang publiko na maging maingat sa pagbili ng health at beauty products online at tiyaking awtorisado ng mga kinauukulang regulatory agency ang mga produktong kanilang binibili.
Inihahanda na ang kaukulang reklamo laban sa suspek para sa pagsasampa sa Office of the City Prosecutor ng San Jose del Monte, Bulacan.
