UMAKYAT sa 6.0 porsiyento ang unemployment rate sa Pilipinas nitong Hulyo 2026, katumbas ng tinatayang 3.14 milyong Pilipinong walang trabaho, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Mas mataas ito kumpara sa 5.3 porsiyento na naitala noong Hulyo 2025 at 4.7 porsiyento noong Abril 2026.
Batay sa PSA data, tumaas din ang aktuwal na bilang ng mga walang trabaho mula 2.59 milyon noong Hulyo 2025 at 2.41 milyon noong Abril 2026.
Kasabay ng pagtaas ng unemployment, bumaba naman ang employment rate sa 94.0 porsiyento nitong Hulyo.
Mas mababa ito sa 94.7 porsiyento na naitala noong Hulyo 2025 at 95.3 porsiyento noong Abril 2026. Gayunman, tinatayang 49.21 milyong Pilipino ang may trabaho sa nasabing panahon.
Sa sectoral breakdown ng PSA, agriculture and forestry ang nanguna sa mga industriyang nakapagtala ng pinakamalaking taunang dagdag sa bilang ng mga manggagawa, na umabot sa 1.03 milyon.
Sinundan ito ng accommodation and food service activities na may 729,000 dagdag na employed persons; wholesale and retail trade, repair of motor vehicles and motorcycles na may 424,000; administrative and support service activities na may 201,000; at transportation and storage na may 197,000.
Samantala, ilang sektor naman ang nakaranas ng pagbaba sa bilang ng mga manggagawa kumpara sa nakaraang taon.
Pinakamalaki ang ibinaba sa manufacturing, na nabawasan ng 134,000 manggagawa. Kasunod nito ang information and communication na bumaba ng 41,000; professional, scientific and technical activities, 28,000; water supply, sewerage, waste management and remediation activities, 9,000; at financial and insurance activities, 7,000.
Ipinapakita ng datos ng PSA ang pagbagal ng employment conditions noong Hulyo, kasabay ng pagdami ng mga Pilipinong walang trabaho kumpara sa kapwa Hulyo 2025 at Abril 2026.
