PUPUNTA sa France sina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla para makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon at isulong ang mga hakbang para matunton at mapaharap sa batas si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Kinumpirma ni Jonvic Remulla ang kanilang pagpunta sa Europe bilang bahagi ng koordinasyon ng pamahalaan sa mga banyagang awtoridad kaugnay ng paghahanap kay Co, na nahaharap sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga proyekto sa flood control.
Sa Lyon tutungo ang kalihim upang i-follow up ang kahilingan para sa pagpapalabas ng Interpol Red Notice laban sa dating mambabatas.
Inaasahang makatutulong ang hakbang sa pagtukoy sa eksaktong kinaroroonan ni Co at sa posibleng pag-aresto sa kanya, alinsunod sa mga legal na proseso ng France at iba pang kinauukulang bansa.
Samantala, makikipagpulong naman si Ombudsman Remulla sa mga opisyal ng France, kabilang ang mga kinatawan ng Justice Ministry sa Paris, upang talakayin ang mga legal at diplomatic na hakbang na maaaring gawin kaugnay ng kaso.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng nasa France o iba pang bahagi ng Europe si Co, bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon sa kanyang eksaktong lokasyon.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Ombudsman sa iba pang personalidad na posibleng may kaugnayan sa kontrobersiya sa mga flood control project, kabilang si Sen. Loren Legarda.
Binigyang-diin ni Ombudsman Remulla na hindi dapat isipin ng mga lumalabag sa batas na ligtas silang makakaiwas sa pananagutan sa pamamagitan lamang ng pag-alis ng bansa.
“Paliliitin natin ang mundo” para sa mga lumalabag sa batas, pahayag ng Ombudsman, bilang pagtitiyak na magpapatuloy ang paghahanap sa mga sangkot sa mga kasong kinakaharap nila.
