ISINUSULONG ng Kamara ang dagdag-pondo para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang pasiglahin ang ekonomiya, lumikha ng trabaho at suportahan ang mga target na proyekto ng gobyerno simula 2027.
Nais ng House of Representatives na dagdagan ang panukalang ₱643.95 bilyong budget ng DPWH, kasunod ng mabagal na 2.3% economic growth noong second quarter na nakaapekto sa trabaho at kita ng mga pamilya.
Ayon kay House Committee on Public Works and Highways Chairperson at Appropriations Vice Chair Rep. Romeo Momo Sr., kailangang kumilos ang Kongreso upang matugunan ang epekto ng mabagal na takbo ng ekonomiya.
“Congress is clearly concerned, especially about the effects on jobs, household income, and the overall movement of our economy,” ani Momo, kinatawan ng Surigao del Sur.
Naniniwala si Momo na maaaring magsilbing economic stimulus ang mas malaking paggastos sa imprastraktura at makatulong upang muling umarangkada ang paglago ng ekonomiya.
Giit niya, dapat dagdagan ang pondo ng DPWH dahil ito ang pangunahing engineering arm ng gobyerno at tagapagpatupad ng malalaking infrastructure projects.
“Sa totoo lang, kailangan po talaga natin i-increase ang ating spending. At dahil dito, dapat po sana madagdagan ang pondo ng DPWH,” ani Momo.
Pero hindi lamang dagdag-budget ang kailangan, ayon sa mambabatas. Dapat ding pabilisin ang release at implementasyon ng mga pondong naaprubahan na para sa infrastructure projects.
May mga pondong nakalaan na sa ilalim ng mga nakaraang General Appropriations Act ngunit hindi pa nailalabas o nagagamit, aniya.
Kung mapapabilis ang release at implementation ng mga ito, mas mabilis ding maitutulak ang disbursement at aktibidad sa ekonomiya.
Sinang-ayunan din ni Momo ang pananaw ni Asian Development Bank President Masato Kanda na kailangang paghusayin at pabilisin ang pagpapatupad ng mga proyekto upang mas mapaandar ang ekonomiya.
Ayon kay Momo, dapat umabot sa 5% hanggang 6% ng GDP ang infrastructure spending ng mga umuunlad na bansa gaya ng Pilipinas.
Kung aabot sa tinatayang ₱33 trilyon ang GDP ng bansa sa 2027, ang 5% nito ay katumbas ng humigit-kumulang ₱1.65 trilyon.
Malaki ang agwat nito sa kasalukuyang panukalang ₱643.95 bilyong budget ng DPWH.
Tinatayang halos ₱1 trilyon ang kulang para maitulak nang mas agresibo ang infrastructure spending at mapalakas ang ekonomiya, ayon kay Momo.
Kabilang sa dapat unahin ang mga proyektong may malaking economic multiplier effect, gaya ng farm-to-market roads, national highways, tulay at inter-provincial at inter-island connectivity projects.
Mahalaga rin, aniya, ang pagtatayo ng day-care centers, health centers at evacuation centers na direktang pakikinabangan ng mga komunidad.
Babala ni Momo, maaaring malaki ang maging epekto sa trabaho at ekonomiya kapag mabagal ang implementasyon ng mga proyekto at kulang ang pondong inilaan para sa imprastraktura.
Ang budget briefing ay bahagi ng serye ng mga talakayan ng Kamara sa panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027, alinsunod sa direktiba ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na panatilihing updated ang publiko sa budget deliberations.
Kasama ni Momo sa briefing ng House Committee on Appropriations infrastructure cluster sina Quezon Rep. Reynante Arrogancia at Zamboanga del Norte Rep. Irene Labadlabad.
Layunin ng Kamara: mas maraming imprastraktura, mas maraming trabaho at mas mabilis na pag-ikot ng ekonomiya.
