IPINATUPAD ng Malacañang ang alternative work arrangements sa mga tanggapan ng gobyerno at alternative learning modes sa mga paaralan ngayong Setyembre 10, 2026 dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na southwest monsoon o habagat.
Sakop ng kautusan ang National Capital Region (NCR) at mga lalawigan ng La Union, Pangasinan, Benguet, Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal at Occidental Mindoro.
Nakasaad ito sa Memorandum Circular No. 135, na nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto, sa awtoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Layunin ng hakbang na mabawasan ang panganib sa publiko habang inaasahan ang patuloy na malalakas na pag-ulan at epekto ng matagal nang pagbuhos ng ulan sa mga apektadong lugar.
Maliban kung may ibang direktiba ang mga local chief executive, ipatutupad ang alternative learning modes sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa mga lugar na sakop ng kautusan.
Maaari ring magpatupad ang mga lokal na pamahalaan ng localized suspension ng klase o trabaho sa gobyerno alinsunod sa umiiral na mga panuntunan.
Gayunman, magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo ng pamahalaan.
Tiniyak din na ang mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers na sakop ng alternative work arrangements ay makatatanggap ng kaukulang sahod o suweldo, alinsunod sa umiiral na mga patakaran.
Para naman sa private sector, nasa pamunuan ng bawat kumpanya ang desisyon kung magpapatupad ng alternative work arrangements.
Layunin ng Malacañang: kaligtasan ng publiko habang nagpapatuloy ang trabaho at pag-aaral sa gitna ng banta ng matinding pag-ulan.
