AABOT sa 463 ang bakanteng posisyon ng mga hukom sa iba’t ibang korte sa bansa, isang sitwasyong sinasabing nakadaragdag sa problema ng backlog o naipong mga kaso sa hudikatura.
Inihayag ito ni Supreme Court Administrator Theresa Dolores Gomez-Estoesta sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kaugnay ng panukalang budget ng hudikatura.
Ayon kay Gomez-Estoesta, hindi agad mapunan ang mga bakanteng posisyon dahil may ilang korte na nananatiling tinatawag na “unorganized courts” bunsod ng kawalan ng Notice of Staffing and Classification Action (NOSCA) mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang NOSCA ang nagsisilbing awtorisasyon para sa paglikha at pagpopondo ng mga posisyon ng mga hukom at iba pang court personnel.
Ipinaliwanag ni Gomez-Estoesta na kahit nais ng Supreme Court na punan agad ang mga bakanteng posisyon, hindi ito maaaring gawin hangga’t hindi inilalabas ng DBM ang kinakailangang NOSCA.
Dahil dito, kailangan munang hintayin ng hudikatura ang dokumento bago maisagawa ang proseso ng pagpuno sa 463 bakanteng posisyon.
Umaasa naman ang Supreme Court na matutugunan ang problema sa ilalim ng Fiscal Autonomy Act, na nagtatakda umano ng hanggang 120 araw para aksyunan ng DBM ang kinakailangang NOSCA.
Sinabi rin ni Gomez-Estoesta na kung hindi pa rin sapat ang pondong mailalaan para sa mga posisyon, maaaring gumawa ang Supreme Court ng iba pang naaangkop na hakbang upang matiyak na may pondo para sa kinakailangang court personnel.
Samantala, patuloy na iniuugnay ng hudikatura ang kakulangan ng mga hukom at court personnel sa mabagal na pag-usad ng mga kaso at pagdami ng pending cases sa mga korte.
