INILATAG ng House prosecution ang umano’y “confi scam” na sinasabing nag-ugat sa Davao City at kalaunan ay lumitaw sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), kung saan nasa sentro umano si Vice President Sara Duterte.
Bago lumipat sa susunod na impeachment article tungkol sa unexplained wealth, ipinresenta nitong Biyernes ng prosecution ang kanilang kaso sa Article I, na tumatalakay sa umano’y maling paggamit, misappropriation at iregular na liquidation ng P612.5 milyong confidential funds—P500 milyon sa OVP at P112.5 milyon sa DepEd.
Ayon kay dating Rep. Ace Barbers, adviser at spokesperson ng House prosecution team, paulit-ulit umano ang naging sistema sa paghawak ng confidential funds sa mga tanggapan na pinamunuan ni Duterte.
Tinawag nila itong “confi scam,” at iginiit na si Duterte umano ang nasa likod ng naturang operasyon.
“Iba-ibang ahensya pero iisa lang ang modus operandi,” ani Barbers.
Sinundan umano ng prosecution ang galaw ng pera, mga dokumento at mga taong sangkot sa Davao City, OVP at DepEd. Ayon kay Barbers, maraming umano’y kahina-hinalang transaksiyon ang nauuwi sa kampo ni Duterte.
Gayunman, nilinaw ni Barbers na hindi awtomatikong nangangahulugang may ginawang mali ang lahat ng dating kawani ng Davao City na kalaunan ay napunta sa OVP o DepEd.
Kabilang sa mga binanggit ng prosecution sina Undersecretary Zuleika Lopez, Lemuel Ortonio at Gina Acosta, na dati umanong nagsilbi sa ilalim ni Duterte sa Davao City bago napunta sa OVP.
Isinama rin sa kanilang presentasyon si Sunshine Fajarda, na dating nagtrabaho sa Davao City government bago naging assistant secretary ng DepEd.
Muling binigyang-diin ng prosecution ang testimonya ni Acosta tungkol sa paghawak ng confidential funds noong alkalde pa si Duterte ng Davao City.
Ayon kay Acosta, bilang special disbursing officer (SDO), iniaabot niya ang cash mula sa confidential funds sa mga security officer.
Inihambing ito ng prosecution sa mga ebidensiyang iniharap sa impeachment trial kung saan umano’y may kahalintulad na sistema ng pag-turnover ng cash mula sa SDO patungo sa security personnel sa OVP at DepEd.
5 HAKBANG NG ‘CONFI FUNDS’
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, spokesperson ng trial, may limang yugto umano sa paggalaw ng confidential funds: request, cash-out, turnover, disbursement at liquidation.
Sa cash-out stage, sinabi ng prosecution na nag-encash si Acosta ng apat na tsekeng tig-P125 milyon, habang si dating DepEd SDO Edward Fajarda naman ay nag-encash ng tatlong tsekeng tig-P37.5 milyon.
Sa sumunod na yugto, sinabi ng prosecution na ang cash ay na-turn over sa mga security officer na umano’y hindi ang mga SDO na may awtoridad na mag-disburse ng pondo.
Ayon sa testimonya ni Acosta, iniabot niya ang OVP cash kay Col. Raymund Dante Lachica matapos umano siyang utusan ni Duterte. Iniugnay naman ng prosecution ang DepEd funds kay Col. Dennis Nolasco.
Sa disbursement at liquidation, kinuwestiyon ng prosecution ang ilang acknowledgment receipts (ARs), pangalan ng mga umano’y tumanggap ng pera at iba pang supporting documents.
1,685 PANGALAN, WALANG RECORD?
Muling iniharap ng prosecution ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) kaugnay ng mga pangalang lumitaw sa confidential fund records ng OVP at DepEd.
Ayon kay Barbers, 2,669 pangalan ang sinuri mula sa pinagsamang listahan, at 1,685 umano rito ang walang nakitang katugmang birth, marriage o death records.
May ilan din umanong tumugma sa death records o records ng mga menor de edad, ayon sa prosecution.
Muling kinuwestiyon din ng House prosecutors ang ilang military certification na ginamit bilang suporta sa liquidation ng DepEd confidential funds.
Sa testimonya ng ilang Army officers, sinabi nilang walang natanggap na DepEd confidential funds ang kanilang mga unit para sa Youth Leadership Summits at iba pang aktibidad na nakasaad sa mga certification.
Samantala, sinabi ni dating DepEd undersecretary, chief of staff at spokesperson Michael Wesley Poa na wala siyang personal na kaalaman sa aktuwal na operasyon ng confidential funds.
Giit ng prosecution, nagpapakita umano ang kanilang mga ebidensiya ng isang chain mula sa pag-request at pag-release ng pondo, pag-encash, pag-turnover sa mga indibidwal na umano’y walang awtoridad na mag-disburse nito, hanggang sa mga kuwestiyonableng gastos at liquidation documents.
Gayunman, binigyang-diin ni Barbers na mga alegasyon lamang ng prosecution ang kanilang inilatag at hindi pa ito katumbas ng pinal na hatol ng pagkakasala.
Iginiit din niyang hindi dapat maging dahilan ang pagiging confidential ng operasyon upang makaiwas sa pananagutan sa paggamit ng pera ng bayan.
Samantala, sisimulan naman ng House prosecution sa Lunes, Setyembre 14, ang paglalahad ng ebidensiya para sa Article II ng impeachment case laban kay Duterte, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth.
