ILILIPAT sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila ngayong Sabado, Setyembre 12, si dating House Speaker Martin Romualdez para sumailalim sa independent medical examination (IME) na iniutos ng Sandiganbayan.
Ayon kay Sandiganbayan Third Division chairman Associate Justice Karl Miranda, bahagi ito ng hakbang ng korte upang magkaroon ng hiwalay at patas na pagsusuri sa kondisyon ng dating mambabatas.
Naka-confine ngayon si Romualdez sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City matapos itong dalhin sa ospital noong Lunes dahil sa pananakit ng dibdib.
Sa kautusan ng korte, kailangang ma-discharge si Romualdez mula sa Cardinal Santos at dalhin sa PGH upang suriin ng mga doktor doon ang naging medical findings ng mga doktor na unang gumamot sa kanya.
Layunin ng pagsusuri na malaman kung kinakailangan pa niyang manatili sa ospital o maaari nang ilagay sa ibang medical arrangement habang nagpapatuloy ang kaso laban sa kanya.
Kinumpirma ni Dennis Pulma, clerk of court ng Sandiganbayan Third Division, na PGH ang magiging lugar kung saan mananatili si Romualdez matapos siyang ma-discharge sa Cardinal Santos, hanggang sa magkaroon ng panibagong kautusan ang korte.
Naospital si Romualdez noong araw ding inilabas ng Sandiganbayan ang arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder.
Kasama niyang inisyuhan ng warrant sina dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dalawa pang akusado matapos magsampa ang Office of the Ombudsman ng mga pormal na kaso.
Iniuugnay ang mga kaso sa umano’y P7.44 bilyong kickback na sangkot sa mga kontrobersiyal na flood control project.
Habang hinihintay ang resulta ng independent medical examination, mananatili si Romualdez sa PGH alinsunod sa direktiba ng Sandiganbayan.
