INATASAN ng Sandiganbayan Third Division nitong Lunes ang paglilipat kay dating House Speaker Martin Romualdez mula sa Philippine General Hospital (PGH) patungo sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas, Quezon City.
Inihayag ni Associate Justice Karl Miranda ang kautusan ng korte bilang bahagi ng pagpapatupad sa arrest warrant na inilabas laban kay Romualdez kaugnay ng kasong plunder.
Nasa PGH si Romualdez mula Sabado matapos siyang ma-confine para sa medical concerns.
Nauna nang nagpalabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dalawa pang akusado sa kasong may kaugnayan sa umano’y P7.44-bilyong kickback.
Gayunman, hindi pa agad natukoy kung kailan eksaktong ilalabas si Romualdez sa PGH at dadalhin sa naturang piitan, dahil kailangan pa ring isaalang-alang ang kanyang medical clearance at iba pang proseso bago ang turnover sa jail authorities.
Ang paglilipat sa New Quezon City Jail ay bahagi ng pagpapatupad ng warrant at paglalagay sa kustodiya ng korte kay Romualdez habang umuusad ang paglilitis.
Patuloy namang dinidinig ng Sandiganbayan ang mga kaugnay na mosyon at iba pang usapin sa kasong plunder na kinakaharap ng mga akusado.
