NEGROS ORIENTAL — Kalaboso ang isang police staff sergeant na kilala rin bilang vlogger matapos umano nitong gahasain ang isang 15-anyos na dalagita sa loob ng pampublikong sementeryo sa Villanueva noong Sabado ng gabi.
Ang suspek, na dating nakatalaga sa Villanueva Municipal Police Station (VMPS), ay kasalukuyang nakakulong sa kustodiya ng Misamis Oriental Provincial Police Office (MOPPO) habang isinasailalim sa imbestigasyon.
Batay sa paunang ulat, isinama umano ng suspek ang menor de edad sa isang madilim at liblib na bahagi ng sementeryo bago umano isinagawa ang panghahalay.
Kinabukasan, nagsumbong ang biktima sa mga awtoridad hinggil sa umano’y nangyari, dahilan upang agad na kumilos ang kanyang mga kabaro at arestuhin ang suspek.
Inihahanda na ang inquest proceedings laban sa police vlogger para sa kasong rape sa ilalim ng Republic Act No. 8353 o Anti-Rape Law of 1997.
Samantala, nagpahayag ng paghingi ng paumanhin sa publiko si Misamis Oriental Provincial Police Office Director Police Colonel Ali Abanales kaugnay ng insidente.
Ayon kay Abanales, batay sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na personal na pagkakasala ng suspek ang insidente at hindi ito bahagi ng operasyon o polisiya ng kanilang tanggapan.
Tiniyak din ng opisyal na haharap ang suspek sa kaukulang administrative proceedings. Kung mapatutunayang nagkasala, maaari itong humantong sa pagpapatalsik sa serbisyo.
