PATAY ang isang 33-anyos na lalaki matapos pagbabarilin habang naglalakad pauwi sa Purok 4, Sitio Pantaron, Barangay Banlag, Valencia City, Bukidnon, Sabado ng gabi.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang mangyari ang insidente habang nag-iisa ang biktima at naglalakad pauwi.
Bigla umano siyang nilapitan ng isang lalaki na agad nagpaputok ng tatlong beses bago tumakas.
Tinamaan ang biktima sa dibdib, tiyan at hita na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Ayon kay Police Lt. Col. Hope Mark Orbuda, OIC chief ng Valencia City Police Station, isang person of interest na ang natukoy ng mga awtoridad.
Napag-alaman na ang person of interest ay umano’y dating live-in partner ng kasalukuyang kinakasama ng biktima.
Dahil dito, kabilang sa mga sinusuri ng pulisya ang posibilidad na selos o personal na alitan ang nasa likod ng pamamaril.
Gayunman, patuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo at makumpirma ang pagkakakilanlan ng responsable sa krimen.
Agad namang inilunsad ng Valencia City Police ang Oplan Shield at nagsagawa ng hot pursuit operation para matunton at maaresto ang suspek.
