IMINUNGKAHI ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na gawing requirement ang civil service eligibility para sa mga punong barangay, treasurer at administrator, dahil kabilang sila sa mga frontline service provider ng pamahalaan.
Ayon kay Remulla, dapat tiyakin na mahusay at episyente ang serbisyo ng mga opisyal ng barangay dahil sila ang unang nilalapitan ng mga mamamayan para sa iba’t ibang pangangailangan.
Sa kasalukuyan, kabilang sa mga pangunahing kwalipikasyon ng mga naghahangad na maging barangay official ang pagiging residente ng Pilipinas, rehistradong botante sa lugar kung saan tatakbo, at marunong bumasa at sumulat.
Wala sa kasalukuyang requirements ang civil service eligibility.
Sinabi rin ni Remulla na dapat pag-isipan ang pagkakaroon ng civil service eligibility requirement para sa mga naghahangad na maging pangulo, bagama’t sinabi niyang mas dapat munang pagtuunan ng pansin ang mga usapin sa barangay.
“Dahan-dahan, isa-isa ‘yan,” ani Remulla, habang binabanggit ang pangangailangang muling suriin ang kasalukuyang sistema ng barangay.
Kasabay nito, kailangan din umanong pag-isipang mabuti ang sistema ng barangay, kabilang ang usapin sa paggamit ng pondo sa pinakamababang antas ng pamahalaan.
Hindi naman siya nagbigay ng mga detalye hinggil sa kanyang mungkahi.
