KINUWESTIYON ng House prosecution ang tinawag nitong “malaking agwat” sa pagitan ng idineklarang net worth ni Vice President Sara Duterte at ng financial records ng mga kumpanyang iniuugnay sa kanya at sa kanyang asawang si Manases Carpio.
Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, tagapagsalita ng House prosecution, hindi pa naipapakita ng mga rekord mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) na iniharap sa Senate impeachment court kung paano maipapaliwanag ng mga idineklarang negosyo ni Duterte ang paglago ng kanyang net worth.
Sinabi ni Alonto Adiong na sa halip na malinawan ang mga katanungan hinggil sa pinagmulan ng yaman ng Bise Presidente, lalo pa umano itong nagbukas ng mga bagong tanong.
Iniulat nina Duterte at Carpio ang pinagsamang net worth na humigit-kumulang P98.66 milyon sa kanilang 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), mula sa tinatayang P71.66 milyon noong 2022.
Ayon kay Alonto Adiong, una nang binigyan ng prosekusyon ng “benefit of the doubt” si Duterte sa posibilidad na ang kanyang mga idineklarang negosyo ay nagsisilbing lehitimong karagdagang pinagkukunan ng kita.
Gayunman, sinabi niyang batay sa mga rekord na sinuri, may ilang kumpanyang iniuugnay kay Duterte na nalulugi umano.
Samantala, ilang kumpanya ang walang available na audited financial statements sa mga rekord na iniharap sa impeachment court. Ayon din kay SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo Del Rosario, walang nakitang impormasyon sa mga isinumiteng filing ng ilang kumpanya na nagpapakitang nagdeklara ang mga ito ng dividends.
Sinabi naman ni dating kongresista at House prosecution team adviser at spokesperson Ace Barbers na bahagi lamang ng mas malaking ebidensiya ang mga corporate records na iniharap sa paglilitis.
Aniya, kailangan pang iharap ng prosekusyon ang iba pang mga testigo at dokumento upang mabuo ang kabuuang larawan kaugnay ng alegasyon ng unexplained wealth laban kay Duterte.
Binigyang-diin ni Barbers na hindi ang prosekusyon ang magpapasya kung sapat ang mga ebidensiyang iniharap upang mapatunayang may unexplained wealth.
Aniya, nasa mga senador-hukom ang pagpapasya batay sa kabuuan ng mga ebidensiyang ilalatag sa impeachment trial.
Ang mga corporate records ay bahagi ng ebidensiya ng prosekusyon sa ilalim ng Article II ng Articles of Impeachment, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth laban sa Bise Presidente.
